-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY- Mananatiling tatalima ang mayoriya ng mga mambabatas sa tinaguriang ‘Magellan Formula’ na napagkasunduan sa panig ng kasalulukuyang House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep.Lord Allan Velasco.

Ito ang ginawa na paglalahad ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kaugnay sa mga kumakalat na bali-balita na mayroong niluluto na sekretong hakbang si Velasco upang palitan si Cayetano sa Kamara.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Rodriguez na walang katototohanan ang kumakalat na mga balita na palitan nila si Cayetano bagkus ay ‘fake news’ lamang ang mga ito.

Inihayag ng kongresista na matatapos ni Cayetano ang kanyang 15 buwan na panunungkulan bilang pinuno ng Kamara at pagdating naman sa buwan ng Oktubre ay papalit na si Velasco na kapwa mga alyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag ni Rodriguez na mabuti at maayos ang pamumuno ni Cayetano kaya walang basehan na lalabagin ng Kamara ang ‘1521 Magellan Formula’ na sinang-ayunan nila ni Cayetano sa harap mismo ni Duterte.

Bagamat inamin ng tinaguriang ‘Mr Performance sa Kongreso’ na si Rodriguez na nagdulot ng negatibong epekto sa Kamara ang hindi pagtalakay ng maaga sa unang hiningi na franchise renewal ng ABS-CBN kung saan napunta ang pagdinig sa Senado nitong linggo lamang.