-- Advertisements --
KAPA JOEL APOLINARIO 2
Pastor Joel Apolinario

Inamin ng NBI na nagsimula nang magtungo sa kanilang tanggapan sa Sarangani province ang ilang mga nabiktima sa binansagang pinakamalaking pyramiding scam sa kasaysayan ng bansa na KAPA o Kabus Padatoon Community Ministry International, Inc.

Ayon kay Atty. Regner Peneza, NBI-Sarangani district office, unti-unti nang nagtutungo sa kanila ang ilang mga nag-invest sa KAPA para magtanong-tanong kung papaano mababawi ang kanilang mga donation makaraang iutos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa naturang investment scam.

Ilan daw sa mga nabiktima ay nag-fill up na rin ng reklamo at sa mga susunod na linggo ay kukunan na ang mga ito ng judicial confession o affidavit upang maging bahagi ng dagdag na reklamo na isasampa laban sa founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario.

Inaasahan daw ng NBI na sa mga darating na linggo ay bubuhos pa ang mga nagrereklamo.

Sa ngayon anya, tila hindi pa “nagsi-sink” na sila ay nabiktima ng pyramiding scam bunsod ng umaasa pa rin ang mga ito na muling magbubukas ang mga tanggapan ng KAPA.

Una rito, napaulat din na isang residente mula sa Koronadal na nag-invest ng kalahating milyong piso ang naghain na rin ng reklamo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Securities and Exchange Commission (SEC) Chairman Emilio Aquino, hinikayat niya ang mga naloko sa KAPA na magkaroon ng class suit upang masampahan na mas mabigat na kaso na walang piyansa si Apolinario at mga opisyal.

Note: Pls click above audio record of SEC Chair Emilio Aquino

Bago ito, pormal na ring naghain ng kaso ang SEC sa Department of Justice ng criminal complaint laban kina Apolinario, kanyang asawa at corporate secretary Reyna Apolinario, trustee Margie Danao, gayundin sina Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan dahil sa pag-promote ng investment scam.

Ang mga ito ay nasa ilalim na rin ng lookout bulletin ng Bureau of Immigration.

SEC team
SEC officials filed formal complaint before the DOJ vs KAPA founder Pastor Joel Apolinario and other officials