Hindi pinaporma ng Orlando Magic ang Los Angeles Lakers sa kabila ng 32-point performance ni Lakers guard, Luka Doncic.
Muling pinangunahan ng dalawang Magic forward na sina Paolo Banchero at Franz Wagner ang kanilang koponan kung saan kumamada si Wagner ng 32 points habang 30 points naman ang ambag ni Banchero.
Ito ang ikalawang laro ni Lebron James mula noong bumalik mula sa isang minor injury at sa dalawang larong kaniyang sinalihan ay parehong natalo ang Lakers.
Sa kabila ng pagkatalo, panibagong all-around performance pa rin ang ipinamalas ng pinakamatandang player sa NBA at kumamada ng 24 points, anim na rebounds, at walong assists.
Bagaman napanatili ng Lakers ang ilang puntos na lead sa una at ikalawang kwarter, inalat ito ng husto sa 3rd quarter at tanging 18 points ang nagawang ipasok ng koponan sa buong 12 mins.
Sinamantala ito ng Magic at ipinasok ang 34 big points, daan upang burahin ang kalamangan ng Lakers at iposte pa ang 14 points na lamang.
Hindi na nakabawi ang LAL sa huling quarter at tuluyang natapos ang laban sa score na 118 – 106, pabor sa Orlando.
Ito na ang ika-28 pagkatalo ng Lakers ngayong season ngunit nananatili pa rin ito sa top-5 sa western conference.
Nananatili namang pasok sa Play-In bracket ang Magic, sampung games, bago tuluyang matapos ang regular season.