Malaking hamon ang natanggap ng Filipino-American na si Jordan Clarkson mula mismo sa kanilang team president at NBA legend na si Magic Johnson.
Si Johnson ay naging espesyal na bisita ni Clarkson sa kanyang basketball camp para sa mga bata sa Los Angeles.
Sa pagsasalita ni Magic, hinikayat niya si Clarkson na galingan pa ang performance sa darating na season dahil malaking role ang gagampanan nito mula sa bench.
Kabilang sa hamon ng NBA great kay Jordan ay tangkaing makuha at manalo ng NBA Sixth Man of the Year award.
Ginawa ni Johnson ang mga pahayag kasunod nang umugong na isyu na binabalak daw ng Lakers na i-trade sa sunod na taon ang 25-anyos na dating second round pick upang makasungkit ng mas bigating players bilang bahagi ng pagpapalakas ng team.
Noong nakaraang taon si Clarkson ay nag-a-average ng 14.7 points o 44.5 percent sa shooting, 3 rebounds at 2.6 assists sa kada 29.2 minutes na paglalaro.
Para naman kay Magic, umaasa siya na umangat pa ang numero ng Fil-Am guard na inihalintulad niya sa dati niyang paboritong teammate noong aktibo pa siya na si Michael Cooper.
“I have challenged him because I want him to be Sixth Man of the Year. I’ve challenged him to play like that, I think he has the potential, the talent, he’s worked hard this summer,†ani Johnson sa ulat ng Lakers Nation’s Serena Winters.