-- Advertisements --

Ikokonsulta pa umano ni Philippine Sports ­Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez sa Philippine Olympic Committee (POC) ang kanyang mungkahi na gawin nang walo ang mga national athletes na magsisilbing flag bearer sa makulay na pagbubukas ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre 30.

Ayon kay Ramirez na siya ring chef de mission ng Team Philippines, kailangan nilang alamin ang saloobin ng POC hinggil sa kanilang suhestyon na nabuo matapos ang kanilang pulong kamakailan.

“Saka marami ang nagsasabi na suwerte ang walo,” dagdag pa ni Ramirez.

Kabilang sa mga pinagpipilian sina weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlos Yulo, pole vaulter EJ Obiena, boxers Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio at skateboarder Margielyn Didal, judoka Kiyomi Watanabe at golfer Yuka Saso.

“Lahat naman sila ­mahuhusay talaga at deserving as flag-bearers ­dahil sa pagbibigay ng karangalan para sa bansa natin,” ani Ramirez.

Nakatakdang ipakilala ang mga flag bearers sa Pep Rally para sa ­pambansang ­delegasyon sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa lungsod ng Maynila sa Nobyembre 13.