Pinaghihinay-hinay ni Sen. Panfilo Lacson ang mga opisyal na nagtutulak sa P30-billion supplemental budget para sa mga apektado ng Taal Volcano eruption.
Ayon kay Lacson, nakasaad sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, na ang bawat local government unit ay maaari lamang maglaan ng five percent ng kanilang budget at regular income para sa disaster fund.
Ang hindi naman nagamit na disaster funds ay kailangang ilagay sa special trust fund na nakalaan sa mga pangangailangan para sa pagtugon sa iba pang kalamidad sa loob ng susunod na limang taon.
Pahayag pa ng senador, baka may sapat pa namang pondo ang lalawigan at hindi pa napapanahon ang panibagong buhos ng budget.
Sinabi nito na noong nakaraang taon ay naglaan ang Batangas ng P183 million para sa disaster fund, ngunit nagamit ang 70 percent ng pondo para sa maintenance at operating expenses.
Giit ng mambabatas, kahit may mga kalamidad ay kailangan pa rin ng pag-iingat sa pananalapi at pagtalima sa mga proseso.
Paglilinaw nito, hindi siya kontra sa pagpasa ng budget measure, ngunit mahalagang mabantayan ang anumang paglalaan nito para hindi maabuso.
“There is no saying that I am not supporting the expeditious passage of the budget measure. I’m only saying we have to find out if P30 billion is a bit more or even not sufficient to help the LGUs affected by the Taal Volcano eruption,” wika ni Lacson.