-- Advertisements --

Mariing pinaalalahanan ng Department of Tourism (DOT) ang publiko na makipagtransaksyon lamang sa mga accredited na travel and tour agencies at mga training centers.

Kasunod na rin ito ng mga natatanggap na ulat ng DOT na talamak umano ang pag-aalok ng serbisyo ng hindi otorisadong mga entities sa iba’t ibang social media platforms.

Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na dapat ay maging maingat ang publiko sa pakikipag-usap sa mga ito lalo pa’t walang nakatitiyak kung lehitimo ba ang kanilang mga produkto at serbisyo.

Sinabi pa ng ahensya, sang-ayon sa batas ay kinakailangang magkaroon muna ng accreditation ang mga travel agencies o tour operators bago ito isyuhan ng business permits.

Nagbabala naman ang DOT na ang hindi pagsunod dito ay may kaakibat na parusa sa batas.