-- Advertisements --

Patuloy pa ngayong tinutugis ng mga otoridad ang suspek sa pananaksak na kumitil sa buhay ng isang indibidwal sa Barangay Tampocon I, Ayungon, Negros Oriental.

Kinilala ang biktima na si Oliver Deguitos habang ang suspek ay kaibigan lang mismo nitong kinilalang si Jorgie Redula.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMaj Fortunato Villafuerte, sinabi nito na base sa kanilang imbestigasyon, nabatid na si Deguitos at Redula ay nag-iinuman at nag-i-vedioke ngunit bigla na lang sinaksak ang biktima gamit ang 12 pulgadang kutsilyo.

Nagtamo ng tama sa dibdib ang biktima na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.

Sinabi pa ni Villafuerte na magkaibigan umano ang dalawa pero may mga kaunting alitan habang nag-iinuman ang mga ito.

Wala din naman umanong nakaraang mga alitan ang dalawa at posibleng dala lang sa ininom na alak kaya nagawa ang pananaksak.

Sa ngayon, nananatiling at-large si Redula at patuloy naman ang kanilang isinagawang imbestigasyon kaugnay sa insidente.

Nanawagan naman ito sa mga nakakilala sa suspek na isumbong sa kanilang tanggapan o hikayatin itong sumuko para harapin ang ginawang krimen.