BUTUAN CITY – Magkaka-ibang karanasan ang isinalaysay ng ilang mga residente ng Surigao City matapos na maabot na ng Bombo Radyo Butuan ang kanilang lugar na ilang araw na walang signal ang telecommunication companies at wala pa ring suplay ng kuryente.
Ayon kay Elena Carig sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, residente ng Brgy. Canlanipa, Surigao City, nanininda siya noong Huwebes sa kasagsagan ng bagyong Odette at pagka-alas-2:00 ng hapon ay bigla na lang lumakas ang hangin kung kaya’t tumilapon na ang kanyang mga paninda.
Dito na niya inakay ang apat niyang mga anak at dahil wala nang mapupuntahan dahil sa punuan na rin ang kanilang evacuation center ay nagdesisyon na ang kanyang asawa na hukayin ang lupa sa ilalim ng kanilang sahig kung saan hanggang tuhod lang ang lalim nito na kasya lang nilang pinagtaguan kasama ang apat na mga anak.
Umabot ng apat na oras na mahigit ang kanilang pagtatago kung saan kanila pa raw pinapatungan ang kanilang mga anak dahil sa sobrang lamig ng paligid.
Nang kumalma ang bagyo ay tanging ang sahig na lang ng kanilang bahay ang natira dahil nilipad na ni “Odette” ang bubongan at dingding ng kanilang tirahan.
Ang nagpaiyak pa raw sa kanya ay nang sumigaw ang kanyang dalagitang anak na buhayin muna silang magkakamag-anak bilang birthday gift umano sa kanya kung saan kahapon din ang araw ng kapanganakan nito.