Humakot ng mga medalya ang magkakapatid na Pinoy archers mula Baguio City sa 5th Bogor Open Archery Championships na ginanap sa Bogor City, West Java, Indonesia.
Nakuha ni Jathniel Caleb Fernandez ang gintong medalya sa Under 9 10 meters, silver sa Under 12 20 meters at Bronze sa Olympic round. Tinanghal din ito bilang 4th overall champion. Naiuwi naman ni Jeptha Fernandez ang Gold sa Under 12 20 meters at silver sa Under 15 30 meters. Samantala, bronze medal din ang naiuwi ni Jethro Fernandez sa Under 17 50 meters.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa magkakapatid na Fernandez, ibinahagi ng mga ito ang kanilang kagalakan dahil ito pa lamang ang kanilang unang pagkakataon na lumahok sa international competition at nakapag-uwi na sila agad ng mga medalya.
“The experience there [in Indonesia] was very exciting and the hotel was very good. All the people there are good, but one of the Indonesian coaches helped us and changed our spin wings to vane. It is a little bit heavier, but we didn’t give up. Just be happy, enjoy the game and always train hard.”
Ibinahagi din ng kanilang ina na si Ma. Christina ang ilan sa mga challenges na kanilang kinaharap sa naturang kompetisyon. Umaasa din ito na sana ay mas mabigyan ng atensyon ang mga local athletes na lumalahok sa mga international competitions lalo na’t may kinalaman sa financial support at mga incentives.
“Most national games, like Archery, napakalaki ng ambag nila mas lalo na sa gold medals. Ang mga batang ito, sila po ang nag-rerepresent sa atin. Actually, sa international [competitions], marami ang pumunta sa club namin kahit self-funding. Sana huwag natin hayaan ang mga bata natin, kumbaga ito na, scouting na, at kinukuha na sila ng ibang bansa. Huwag natin hayaan, kasi Pilipino tayo, meron naman po tayong budget, sana ilaan naman sa mga bata iyan.”
Matatandaan na ang magkakapatid na mga Fernandez ay nag-uwi din ng mga medalya sa Batang Pinoy 2022 National Championships na ginanap sa Vigan City, Ilocos Sur noong nakaraang taon.