Ikinaalarma ng kapulisan ang halos magkakasunod na insidente ng pamamaril sa bayan ng Libon sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PEMS Maribeth Corporal, chief investigator ng Juban PNP, isang lalaki na naman ang binaril na kinilalang si Manuel Sasis Pili, 63-anyos, isang meat vendor at residente ng Zone 2, Brgy. Nogpo ng naturang bayan.
Bigla na lang umanong nakarinig ng putok ng baril ang asawa ng biktima habang nasa loob ng bahay at ng lumabas dito natugpuan ang duguang mister.
Napag-alamang nagbabantay lang ng tindang karne ang biktima ng lapitan ng isang lalaki at biglang binaril.
Matapos ang krimen agad namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspek sa hindi malamang direksyon.
Agad namang dinala sa Rural Health Unit ng Libon si Pili at kalaunan ay inilipat sa BRTTH Legazpi para sa dagdag na medikal na atensyon.
Nagpasalamat si Corporal na hindi napuruhan ang biktima at daplis lang ng bala sa leeg ang natamo.
Ipinagtataka na man ng pamilya kung pano nangyari ang insidente lalo pa’t wala naman umanong kaaway ang biktima.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang kapulisan upang malaman kung may kaugnayan ang insidente sa nangyari rin na pamamaril-patay sa mag-ama sa kaparehong barangay nitong nakalipas lamang na linggo.
Hinihintay na rin ang resulta ng PNP Crime Laboratory examination para sa cross-matching ng mga nakuhang ebidensya upang malaman kung iisa lang ang suspek sa naturang mga shooting incident.