CAUAYAN CITY- Dinakip ng mga kasapi ng Presinto Uno ang isang negosyante at kalaguyo nito matapos na maaktuhang nagsasama sa mismong bahay ng negosyante at legal na misis nito sa Santiago City
Ang mga inaresto ay itinago sa pangalang Ronald, 52- anyos, negosyante at residente ng Barangay Naggasican, Santiago City, habang itinago rin sa pangalang Shane ang kalaguyo nito, 46 anyos at residente ng Reina Mercedes, Isabela.
Itinago naman sa pangalang Myrna ang asawa ng lalaki, 51 anyos, isang OFW.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nagtungo sa Presinto Uno ang biktima upang humingi ng Police sssistance at ipadakip ang mga suspect matapos na madatnan silang nagsasama sa kanilang bahay na mag-asawa.
Agad namang nagtungo sa nasabing barangay ang mga pulis at nadakip ang magkalaguyo.
Napag-alaman naman na 2018 pa nang magsama ang dalawa at ayon umano sa lalaki, alam ito ng kanyang misis
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti Violence Against Women and Their Children ) ang dalawa habang karagdagang kaso na paglabag sa Presidential Decree 705 (Anti Illegal Logging Act) ang kakaharapin ni Alyas Ronald dahil sa pagkakasamsam ng halos 427 board feet ng hinihinalang pinutol na G-Melina.
Nakatakda namang ipasakamay sa DENR San Isidro ang mga nakumpiskang kahoy sa bahay ng suspek.