KALIBO, Aklan- Nakakulong na at nahaharap sa kasong Direct Assault; at Resistance and Disobedience Upon an Agent of a Person in Authority ang magkapatid makaraang manlaban at manakit ng mga rumespondeng pulis sa nangyaring komosyon sa Sitio Diniwid, Barangay Balabag sa isla ng Boracay.
Kinilala ang mga suspek na sina Eddian Manuel, 27; at Jacob Manuel, 25, kapwa residente ng naturang lugar.
Batay sa report mula sa Malay Police Station, rumesponde ang tropa sa nasabing kaguhulan at kaagad lumapit si Patrolman Alalon kung saan, sa hindi matukoy na kadahilanan ay kaagad siyang sinalakay ng dalawa at pinagsusuntok.
Dahil dito, pumagitna si Police Senior Master Sergeant Larry Molo ngunit imbes na tumigil ang magkapatid ay pinagtulungan pa nilang suntukin ang pulis na tinamaan sa dibdib at ulo.
Tinangka pa umanong saksakin ni Eddian ng icepick si Patrolman Alalon ngunit mabilis itong nakaiwas.
Natigil lamang umano ang kaguluhan ng dumating ang tatlong iba pang mga pulis at kaagad dinampot ang mga suspek at dinala sa himpilan ng pulisya kung saan ang mga ito nakapiit sa ngayon para sa kaukulang disposisyon.