-- Advertisements --

Nahaharap sa habambuhay na pagkakabilanggo ang dalawang lalaki sa Australia na may kaugnayan sa Islamic State (IS) group matapos mahatulang guilty sa planong pagpapasabog sa isang eroplano gamit ang bomba.

Sa desisyon ng korte, guilty umano ang magkapatid na Mahmoud Khayat, 34; at Khaled Khayat, 51, sa balak na pagpapabagsak sa isang eroplanong may biyahe na mula Sydney to Abu Dhabi noong Hulyo 2017.

Una nang naghain ng not guilty plea ang dalawa.

Nabigo ang kanilang plano makaraang hindi ma-check in sa paliparan ang bitbit nilang bag kung saan isinilid ang bomba dahil sumobra ang timbang nito.

Sa pahayag ng prosekusyon, target umano ng dalawa na pasabugin ang eroplano na may lulang 400 pasahero gamit ang military grade explosives na nakatago sa isang meat grinder.

Nang pumalya ang plano, binalak din umano ng magkapatid na magsagawa ng chemical gas attack sa Sydney.

Naaresto naman ang dalawa 11 araw matapos ang insidente sa airport.

Ayon sa mga otoridad, posibleng ilabas ang sentensya sa dalawa sa malapit na hinaharap. (BBC)