-- Advertisements --
Guihulngan

(Update) BACOLOD CITY – Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang kaso sa magkahiwalay na pagpatay sa tatlong local officials sa Guihulngan City, Negros Oriental kaninang madaling-araw.

Ang mga biktima ay kinabibilangan ng opisyal ng Department of Education Division of Guihulngan City, kapatid nitong school principal, at isang punong barangay.

Ayon sa Negros Oriental Police Provincial Office, halos isang oras lamang ang pagitan ng dalawang shooting incident.

Dakong alas-12:55 ng madaling-araw ay pinatay ng armadong mga lalaki ang magkapatid na Aradale Bayawa, chief ng Curriculum Implementation Division ng DepEd Division of Guihulngan City at kanyang kapatid na si Arthur Bayawa, principal ng Guihulngan Science High School.

Sinira umano ng mga suspek ang main door ng bahay ng mga biktima sa Brgy. Hibaiyo at pinagbabaril ang magkapatid sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Dakong ala-1:40 naman ng madaling-araw nang pinatay si Punong Barangay Romeo Alipan sa kanilang bahay sa Brgy. Poblacion, Guihulngan City.

Si Alipan ay punong barangay ng Buenavista ngunit nakatira sa Brgy. Poblacion.

Kaagad na tumakas ang mga suspek sakay sa hindi pa natutukoy na getaway vehicle.

Dinala pa ang mga biktima sa Guihulngan District Hospital ngunit idineklarang patay.