-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Arestado ang magkatatid na pinaghinalaang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army sa inilunsad na police-military operations sa bayan ng Talisayan, Misamis Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 58th Infantry Battalion, Philippine Army commander Lt. Col. Ricky Canatoy, kinilala ang mga suspek na sina Russel Cago, 31, at Richard Cago, 22, kapwa residente ng Purok 5, Barangay Sindangan, Talisayan.

Inihayag ni Canatoy na maliban sa granada ay nakumpiska rin ang kasangkapan sa paggawa ng improvised explosive devices at iba’t ibang medical supplies na pinaniwalaang gagamitin sa nakatakdang malawakang opensiba laban sa gobyerno.

Dagdag ng opisyal na napilitan umano ang nasa 15 hanggang 20 NPA members na kukuha sana ng mga suplay na umatras matapos matunugan ang presensiya ng mga sundalo at pulisya na nasa bisinidad nila.

Una rito, nagtaas ng alerto ang 4th Infantry Division at Police Regional Office 10 upang bantayan ang anumang mga galaw ng NPA na nagdiriwang ng kanilang ika-52 taong anibersaryo ngayong araw.