-- Advertisements --

CEBU CITY – Inaresto ang magkapatid na sinasabing nauugnay sa pinaslang na umano’y drug lord na si Franz Saballones sa isinagawang buy bust operation sa Talisay City sa Cebu.

Kinilala ang mga nahuli na sina Edwin Kyamko, 54, at ang kapatid nitong si Janette Kyamko, 53.

Ayon kay Capt. Alejandro Batobalonos, ang hepe ng police Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), matagal ng nasa drug watchlist ang magkapatid na Kyamko dahil malakihan umano ang naging drug transaction nito.

Inamin ni Batobalonos na nahirapan umano sila sa paghuli sa magkapatid ngunit nagkaroon sila ng hudyat nang mabatid na may ilalako umano ang mga ito na 30 grams ng shabu.

Nasabat naman ng Talisay City PNP at PDEU ang bultu-bultong shabu na nagkakahalaga ng P258,000.

Kinumpirma rin ni Batobalonos na ang pinaslang na si Saballones umano ang naging source noon ng shabu ng magkapatid na Kyamko ngunit natigil ito nang hindi nag-remit ang mga ito kay Franz.

Patuloy pang iniimbestigahan ng PNP ang source ng shabu na nasabat mula sa magkapatid na Kyamko.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa detention cell ng Cebu Provincial Police Office.

Kung maalala namatay sa pamamaril ang self-confesed drug lord na si Saballones noong Huwebes Santo ng gabi sa Quezon City.