-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Patay ang magkapatid na kambal matapos nalunod sa dagat sa Kabatiol, Maasim, Sarangani province.

Kinilala ang mga biktima na sina Khent Jhon at Khent Floyd Pleños, kapwa walong taong gulang na nakaburol na ngayon sa kanilang bahay.

Batay sa ginawang imbestigasyon ni Major Romeo Calamba ng Maasim Municipal Police Station, naligo ang mga biktima na walang bantay malapit sa kanilang bahay.

Nakita umano ng isa ang kapatid na nagpalutangtang na sa dagat kaya’t tinulungan ngunit nalunod din dahil hindi ito marunong lumangoy.

Sa kuwento ng ama ng kambal, nagpaalam ang dalawa na maliligo sa dagat kaya sinundan niya ang mga anak para mabantayan.

Nalingat lang umano siya ng ilang minuto at nabigla nang nagsitakbuhan ang kanilang mga kapitbahay upang saklolohan ang mga bata.

Sinubukan pang salbahin ang mga kambal pero binawian din ito ng buhay.

Nabatid na bunso ang mga kambal sa walong anak ng mag-asawagn Pleños.