KALIBO, Aklan – Arestado ang magkapatid na mangingisda mula sa Roxas City sa iligal na pangingisda gamit ang dinamita malapit sa isang marine fish sanctuary sa karagatang sakop ng Brgy. Bugtong Bato, Ibajay, Aklan.
Kinilala ang mga suspek na sina Oliver Mahinay, 27, boat captain at Bigboy Mahinay, 38, kapwa residente ng Banica, Roxas City.
Ayon kay Teodorico Inguillo, hepe ng Bantay Dagat sa naturang lugar, naaktuhan nila ang ilang bangkang nangingisda gamit ang dinamita dahilan na kaagad na tumawag ng pulis.
Nang paparating ang mga otoridad, inihagis ng mga mangingisda ang mga nahuling isda at iba pang kagamitan sa dagat upang walang makitang ebidensiya.
Nakatakas ang ibang tripulante sakay ng kanilang mga bangka, subalit nahuli ang magkapatid.
Samantala, kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Aklan na positibo sa dynamite fishing o dinamita ang ilang isda na narekober sa bangka ng magkapatid na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Fisheries Code of the Philippines.