KORONADAL CITY – Sugatan ng isinugod sa bahay pagamutan ang magkapatid na menor de edad matapos na pinagtataga ng isang lalaking pinaniniwalaang wala sa tamang pag-iisip sa Sitio Montel, Barangay Lamdalag, Lake Sebu, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Brgy. Captain Roger Ben sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon sa opisyal, nasa loob ng bahay ang magkapatid na 15-anyos at 2-anyos nang biglang pumasok sa likurang pintuan ang suspek na kinilalang si Carlito Aya Cayugan, 44 taong gulang , may asawa at residente rin sa nabanggit na lugar.
Biglaan umanong tinaga ng suspek sa kanang paa ang 15-anyos gamit ang isang bolo, tatagain pa sana ng suspek ulit ang biktima nang pinigilan ito ng ama ng biktima habang hawak-hawak ang 2 taong gulang na bata ,kaya’t tinamaan sa bahagi ng ulo ang 2 anyos na bata.
Agad namang isinugod sa pinakamalapit na bahay pagamutan ang magkapatid na menor de edad at nagpapagaling na hanggang sa ngayon.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng Lake Sebu PNP ang suspek.
Nagpag-alamang mayroong mental illness ang suspek base naman sa mga residenteng nakakakilala sa suspek.