Nakatakdang maghain ng motion to leave detention ang kampo ng mga Parojinog para makadalo sa libing ng kanilang mga magulang na napatay sa raid nuong Linggo.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ng magkapatid na Parojinog na kanila ng inaalam kung anong korte maaari silang maghain ng motion.
Sinabi ni Topacio na nais talaga ni Vice Mayor Nova Princess Parojinog at kapatid na si Reynaldo Jr. na dumalo sa libing ng kanilang mga magulang na nasawi sa raid na sina Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at nanay nilang si Susan Parojinog.
Kasalukuyang nakakulong sa PNP custodial Center sa Kampo Crame ang magkapatid na Parojinog at kahapon isinailalim na ang mga ito sa inquest proceedings.
Kasong illegal possession of firearms, and possession of illegal drugs ang kinakaharap ng magkapatid na Parojinog.
Aminado si Topacio na malungkot ang Vice Mayor dahil sa kahihinatnan ng kanilang pamilya.