-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nakitang wala ng buhay ang dalawang magkapatid na kapwa menor de edad sa masukal na bahagi ng Macatingog, Oquendo District, Calbayog City.

Ang mga biktima ay edad anim at 16-anyos na isang pre-school at Grade 10 na estudyante.

Ayon kay P/Lt. Col. Maria Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional office 8, una munang pumunta ang mga magkapatid sa bahay ng kaniyang lolo na may ilang metro ang layo mula sa bahay nito.

Nagdesisyon naman ang nag-aalalang nanay na sundan ang kaniyang mga anak lalo pat apat na araw na itong hindi umuuwi sa kanila.

Sinabi naman ng lolo ng biktima na kaagad din umano na umuwi ang magkapatid matapos ang isang araw na pagbisita sa kaniya.

Doon na nila ito pinaghahanap at nakitang nakahandusay at wala ng buhay ang magkapatid sa bukiring bahagi ng Oquendo District na kung saan state of decomposition na ang bangkay nito.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Calbayog Police Station sa koordinasyon ng city health para malaman ang sanhi ng pagkakamatay ng mga menor de edad na mga kabataan.