-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nahanap na ng mga tauhan ng Bureau of Quarantine sa Region 12 sa tulong ng mga otoridad sa lungsod ng Davao ang magkapatid na Overseas Filipino Workers (OFW) na mayroon umanong mga sintomas ng COVID-19 at naiulat na tumakas mula sa quarantine area ng Sarangani province.

Sa ngayon, naka-confine na umano ang dalawa sa isolation facility ng Southern Philippines Medical Center matapos matunton ng mga tauhan ng Department of Health (DOH) at Davao City Police Office sa isang hotel sa Davao City nitong Biyernes ng madaling araw.

Batay sa report, dumating ng bansa noong Pebrero 29 galing Japan ang magkapatid upang magbakasyon sa kanilang bayan sa Glan, Sarangani Province.

Pero tumakas umano ang mga ito noong Huwebes papuntang Davao City upang makakuha sana ng flight papuntang Maunila ngayong araw pabalik ng Japan.

Ikinokonsidera rin ng Sarangani Provincial Health Office ang magkapatid bilang Patients Under Investigation (PUI) makaraang makaranas ng ubo, sipon at lagnat na kabilang sa mga sintomas ng coronavirus disease (COVID-19).