CAUAYAN CITY – Mahaharap sa patung-patong na kaso ang dalawang magsasaka na magkapatid sa Bascaran, Solano dahil sa pagtutulak ng iligal na droga at panggagahasa sa kanilang pamangkin.
Ang mga pinaghihinalaan ay itinago sa mga pangalang Kevin, 45-anyos, magsasaka, Aldwin, 56-anyos, magsasaka, biyudo at kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Solano Police Station, inilatag ng himpilan ang anti-illegal drug buy-bust operation laban sa mga pinaghihinalaan at sila ay nakipagtransaksyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer bitbit ang isang sachet ng hinihinalang shabu katumbas ng P500.
Nakuha pa sa kanilang pag-iingat ang 2 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, P20, sling bag na may lamang 3 transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 3 aluminum strips, lighter at isang canister.
Napag-alaman din na ang magkapatid ang responsable sa panggagahasa sa kanilang pamangkin na itinago sa pangalang Jane, 17-anyos.
Ayon sa biktima, nasa anim na buwan na ang kanyang ipinagbubuntis dahil sa pangmumulestya sa kanya ng kanyang mga tiyuhin.
Isinasagawa nila ang panggagahasa kapag inutuusan ang nakababata niyang kapatid na bumili ng meryenda sa tindahan na nasa tatlumpong minuto ang layo mula sa kanilang bahay.
Isolated ang kanilang lugar kaya walang nakakaalam sa pangyayari na nasa limang taon na mula ng unang gawin sa kanya.
Napansin aniya ng nakatatanda niyang kapatid na lalaki ang bahagyang pag-umbok ng kanyang tiyan kaya nagsumbong na rin siya.
Dahil sa nakaraang record na may pinaslang ang isa sa mga suspek ay natakot umano si Jane na baka papatayin siya at ang kanyang mga kapatid kaya hindi siya agad na nagsumbong.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Rape laban sa dalawang suspek na ngayon ay nasa pangangalaga na ng Solano Police Station.