-- Advertisements --

(Update) CAUAYAN CITY – Nagpatawag na ng emergency meeting ang mga opisyal ng Bambang, Nueva Vizcaya matapos maiulat ang pagkamatay ng dalawang bata sa Brgy. Macate dahil sa gumuhong bahagi ng dike.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Purificacion Tumacder, kapitan ng barangay, na nagtungo ang magkapatid na Justin Yadao, 4; at Kevin Yadao, 10, sa gilid ng ilog para magtapon ng mga pinutol na sanga ng kahoy.

Pero aksidente umanong bumigay ang isang bahagi ng dike makaraang magtungo doon ang dalawa para maglaro.

Batay sa ulat, dead on spot ang mga menor de edad nang dahil sa tama na kanilang tinamo sa ulo.

Ani Tumacder, taong 2017 lang nang gawin ang flood project at nasira sa mga nagdaang bagyo.