-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Dalawa ang binawian ng buhay kabilang ang isang municipal councilor sa karambola ng apat na sasakyan sa national highway, Barangay Langkong, Mlang, North Cotabato.

Kinilala ng Mlang PNP ang mga nasawi na sina Councilor Musa Bago, konsehal ng Datu Piang, Maguindanao at kapatid nitong si Panday Bago na kapwa residente ng Datu Piang, Maguindanao.

Ayon sa mga otoridad, sangkot sa aksidente ang apat na sasakyan na kinabibilangan ng sasakyan ng magkapatid na Bago, sasakyan ng Regional Director ng Civil Service Region 12 at ang isa pang sasakyan na pag-aari ng DENR 12.

Nakaligtas naman sa aksidente ang Regional Director ng Civil Service 12 at sakay ng iba pang sasakyan matapos na magtamo ng minor lamang na sugat.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Traffic section ng Mlang PNP at inaalam pa ang dahilan ng pagkarambola ng mga sasakyan.

Ngunit, ayon sa ibang mga nakakita over speeding ang nakikitang rason sa nangyaring aksidente dahil sa humaharurot umano ang isa sa mga sasakyan na sangkot sa aksidente.

Kasabay nito, nagpaalala naman ang mga otoridad mga motorista na mag-ingat sa pagmaneho at iwasan ang pagmamadali upang di na maulit pa ang aksidente.

Samantala, agad naman na inilibing ayon sa tradisyong Islam ang magkapatid na Bago na namatay sa aksidente.