-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Matinding kalungkutan ang nararamdaman ngayon ng mga magulang ng dalawang batang nadiskubreng wala nang buhay sa pagkalunod sa masaya sanang beach outing sa Brgy. Tambongon, Viga, Catanduanes.

Hindi naman nailigtas pa sa ospital sina Mark Justin Orcilada, 9-anyos at Ysha Jane Orcilada, 11-anyos.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Viga Municipal Police Station, sinabihan na umano ng inang si Sharon ang mga bata na tapusin na ang paliligo subalit humiling ang mga ito na mag-extend pa kasama ang isa pang pamangkin.

Matapos ang ilang minuto, bumalik na umano ang pamangkin ni Sharon na si Jomar at nagsabi sa ama ng mga biktima na natangay ng malakas na alon ang dalawa.

Mabilis naman na nagtungo sa mga bata si Jomar subalit hindi na nahanap ang mga ito kaya humingi na ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Unang narekober ang bangkay ni Ysha Jane bandang alas-11:30 kahapon subalit alas-8:00 naman ng gabi nakuha ang bangkay ni Mark Justin.

Itinakbo pa ang dalawa sa ospital subalit idineklara nang dead on arrival.