KALIBO, Aklan — Patay ang isang 38-anyos na lalaki habang apat na iba pa ang sugatan matapos na araruhin ng isang tricycle habang nasa kalsada at masayang nagpapaputok sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Barangay Camanci Norte, Numancia, Aklan.
Kinilala ni PSSgt. Arjorine Mendoza, imbestigador ng Numancia Municipal Police Station ang namatay na si Orlan Liberato habang patuloy na ginagamot sa Aklan Provincial Hospital ang mga nasugatan na sina Dante Liberato, 50, Melissa Fernandez, 34, at Selwyn Fernandez, 40, pawang mga residente ng naturang lugar.
Nabatid sa imbestigasyon, dakong alas-11:30 gabi ng Linggo, nagpapaputok ang mga biktima sa kalsada nang biglang salpukin ng tricycle na minamaneho ni Chery Arcenio, 45, residente ng Barangay Pusiw, Numancia, Aklan.
Agad na isinugod ang mga biktima sa ospital kasama ang isang anak ng driver ng tricycle, subalit idineklarang patay si Liberato nang makarating sa pagamutan na nagtamo ng matinding sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Dumanas naman ng minor injuries ang iba pang pang mga biktima.
Naaresto naman ng mga pulis ang nagmamaneho ng tricycle na kasalukuyang nakakulong.
Sinasabing nagmamadali itong makauwi sa kanilang bahay kasama ang dalawang anak at isang pinsan para makahabol sa pagsalubong ng Bagong Taon, ngunit hindi umano nito napansin ang mga biktima sa gitna ng kalsada na nagsisindi ng fountain dahil sa makapal na usok ng mga paputok.