ROXAS CITY – Hindi naging hadlang ang kalagayan ng isang lalaki na may osteosarcoma stage 4 cancer para matuloy ang kanilang kasal ng kasintahan.
Hindi katulad ng karaniwang kasalan, sa loob mismo ng kanilang bahay nagpalitan ng “I Do’s” ang magkasintahang sina Marwin Custodio at Mabel Custodio ng Barangay Cogon Ilawod, Panay, Capiz.
Maraming mga netizens ang naantig ang mga puso matapos nag-viral sa social media site na Facebook ang kasal ng dalawa.
Naging saksi rin ang mga kamag-anak at kaibigan ng mag-asawa sa wagas na pag-iibigan ng dalawa.
Dalawang taon ding nakipaglaban si Marwin sa kanyang sakit, matapos ma-diagnose na may osteosarcoma cancer.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Mabel Custodio, sinabi nito na isa sa pinaka-hindi malilimutang araw sa kanyang buhay ang kanilang kasal ni Marwin na matagal nilang pinangarap.
Sa kabila ng pagsubok, nananatiling matatag ang ginang para sa kanilang dalawang anak at sa kanyang mister.
Malaki ang paniniwala ni Mabel sa Diyos na malalagpasan nila ang kinakaharap na pagsubok.
Sa ngayon iniiwasan ng ginang na mag-isip ng hindi magandang bagay lalo na sa sitwasyon ng kanyang mister, sa halip ay nagdarasal ito na mabigyan pa ng mahabang buhay si Marwin para magkasama sila sa pagpapalaki sa kanilang dalawang mga anak.