-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nahaharap na sa kaukulang kaso ang magkasintahan na nag-viral sa Baguio City ang diumano’y pagdukot sa isang dalagang biktima sa isang subdivision, madaling araw ng May 6.

Ayon kay outgoing Baguio City Police Office, City Director P/Col. Allen Rae Co, nabunyag sa kanilang imbestigasyon na planado mismo ng biktima at suspek ang insidente.

Una rito, nagdulot ng takot sa mga residente ng lungsod at kalapit na bayan ang kumalat sa social media na video na kuha ng isang closed circuit television camera.

Dito ay makikita ang tatlong indibidwal na naglalakad sa kalsada at ang paghinto ng isang van sa tabi ng isa sa mga ito, ang pagbukas ng pinto nito at ang paghila sa biktima papasok sa sasakyan.

Sinabi ni Col. Co na ang insidente ay isang “kidnap me” scheme na plinano ng magkasintahan para mailigaw ang pamilya ng babae na kontra sa kanilang relasyon dahil ang suspek ay kalalabas lamang ng bilangguan.

Kaagad namang nadiskobre ng mga otoridad na ang person of interest ay ang kasintahan ng dalaga kung saan, ibinigay mismo ng lalaki sa pulisya ang kopya ng screenshots ng kanilang text messages ukol sa kanilang pagplano sa insidente bilang pagsisisi sa kaniyang ginawa at sa naging epekto nito.

Dinagdag ni Col. Co na sinomang gagawa ng maling ulat at gawa-gawang krimen ay mahaharap ng kaukulang parusa dahil pagsasayang lamang ito sa mga resources ng pulisya.