Hinarang ang magkasinatahang Pinoy sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos matuklasang peke ang kanilang Netherlands visa, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Biyernes, Peb. 7.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, naharang ang mag-asawa, may edad 26 hanggang 28, noong Peb. 2 matapos magsuspetsa ang mga immigration officers sa kanilang mga dokumento.
Ani Viado, sanay ang kamilang mga opisyal sa pagtukoy ng pekeng travel documents. Binalaan din niya ang publiko laban sa mga sindikatong nag-aalok ng pekeng visa, na maaaring magdulot ng legal na problema at pagkalugi ng pera.
Ayon sa BI’s Immigration Protection and Border Enforcement (I-PROBES), nagpanggap ang mag-asawa bilang turista papuntang Amsterdam, ngunit natuklasang peke ang kanilang visa matapos ang pagsusuri sa forensic documents laboratory.
Sa imbestigasyon, inamin ng mag-asawa na nagbayad sila ng P268,000 para sa pekeng visa at iba pang travel arrangements. Ini-turn over na sila sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsisiyasat.