-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Kapwa naghayag ng kahandaan ang magkatunggaling political line ups na magbigay reward money para sa mga tao na makapagturo sa lokasyon ng suspected sniper suspects at maging sa mismong utak nito.

Mayroong kaugnayan ito sa tuluyang pagkasawi ng vice gubernatorial candidate na si Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez dahil hindi kinaya ang tama ng sniper bullet sa ulo noong dumalo sa Christmas fellowship party ni Deputy House Speaker at Misamis Occidental 2nd District Rep Henry Oaminal sa Brgy 7,Tangub City noong nakaraang linggo.

Sa pagharap ng grupo ni incumbent Misamis Occidental Provincial Gov Philip Tan kasama ang kanyang line up sa media,mariing itinanggi nila na mayroon silang kaugnayan sa pangyayaring pamamaril kay Oaminal na ikasawi ni Gutierrez.

Ito ang dahilan na inihayag sa alyado ni Tan na si incumbent Misamis Occidental 1st District Rep Diego Ty na naghahanda ang kanyang pamilya ng isang milyong piso bilang pabuya para sa mapabilis ang pagresolba ng kaso.

Tinuligsa rin nito ang kapwa niya mambabatas na si Oaminal na pinangunahan pa ang imbestigasyon ng pulisya na umano’y mayroong kaugnayan sa politika ang pangyayari.

Sa kabilang dako,naghayag naman si Oaminal na nakahanda itong magbigay ng limang milyong piso na reward money matapos nakompirma nito na pumanaw na nga ang kanyang running mate na si Gutierrez.

Tiniyak ng kongresista na ilalaban nila ng patas hanggang makamtan ang hustisya para sa pamilya ng alkalde na biglang-bigla sa pangyayari.

Magugunitang kinompirma ng PNP na bala ng M-16 rifle ang ginamit ng mga suspek pagbaril kay Oaminal subalit si Gutierrez ang napuruhan at nadamay rin si dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte na katunggali rin ni Ty ng pagka-kongresista.