-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nasa kustudiya na ng pulisya at kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mag live-in partner matapos na makuhaan ng mahigit sa P300,000 pesos na halaga ng suspected illegal drugs sa ikinasang drug buy-bust operation ng PDEA-Aklan sa Barangay Andagao, Kalibo, Aklan.

Nahaharap ngayon sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Juanito Nervar, 46-anyos at Lilian Niñofranco, 49-anyos, kapwa residente ng nasabing lugar at umano’y mga dating job order employee ng lokal na pamahalaan ng Kalibo, Aklan.

Ayon kay Investigation Agent 3 Jyx Escrupolo ng PDEA Aklan, nasa 60 gramo ng suspected shabu ang narekober sa dalawa sa mismong pamamahay nito kung saan, nakalagay pa sa pouch ang ibang sachet ng illegal na droga.

Dagdag pa ni Agent Escrupolo na itinuturing na high value target ang dalawa dahil sa dami ng mga narekober sa kanila at ginagawa ng mga ito ang pakikipagtransakyon sa kanilang kliyente sa kanilang bahay upang hindi sila mahuli ng mga awtoridad.

Aminado naman ang lalake na bago nahuli ay gumamit muna ito ng illegal na droga.