-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Natagpuang patay ang maglive-in partner matapos magbigti sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ronald Labina, 29 taong gulang, at ang kasama nitong si Johanna Saliling, 14 anyos, Grade 8 student, pawing mga Teduray at nakatira sa Barangay Pamantingan Esperanza Sultan Kudarat.

Sa ulat ng Esperanza PNP, natagpuang nakalambitin ang dalawa sa loob ng kanilang tinitirhan matapos magbigti gamit ang lubid na tinali sa kanilang leeg at sa kisame ng bahay.

Sinabi ng mga pinuno ng tribong Teduray, na humiling na huwag magpakilala, na mahigpit ang pagtutol ng mga magulang ni Saliling sa relasyon nila ni Labina at binalaan pa ito na magsampa ng kasong statutory rape laban sa kanya dahil ang kanilang anak ay menor de edad.

Sa kulturang Teduray, pinapayagan ang teenage marriage ngunit nais ng mga magulang ni Saliling na makatapos siya ng high school at mag-aral ng apat na taong kurso sa kolehiyo.

Tinutulan ng mga kamag-anak ni Saliling ang plano niyang pakasalan si Labina.

Sa ilalim ng bagong batas laban sa child marriage, Republic Act 11596, maaaring makulong ang mga magulang na pumayag, o sinumang nag-aayos ng kasal kung edad nito ay 18 anyos pababa.

Dahil menor de edad ang dalaga, mahaharap din si Labina sa kasong panggagahasa.

Sa imbestigasyon ng pulisya sa Esperanza Sultan Kudarat, walang nakitang foul play sa pagkamatay ng maglive-in partner.