CENTRAL MINDANAO – Naglunsad ng search and rescue operation ang mga otoridad sa dalawang katao na nawawala nang hagupitin ng malakas na alon ang mga naninirahan sa gilid ng dalampasigan sa Brgy Poblacion, Palembang, Sultan Kudarat.
Ang mga biktima ay maglola, isang 12-anyos na babae at 61-anyos na lola.
Ayon kay Palembang Mayor Teng Kapinan, na bumuhos ang malakas na ulan na sinabayan pa ng hangin at baha.
Bigla na lamang hinagupit nang malakas na alon ang mga nakatira sa dalampasigan kaya umaabot sa 250 kabahayan ang pinasok ng tubig at 25 ang nawasak.
Dahil sa lakas ng alon ay inanod ang maglola at patuloy na pinaghahanap.
Dagdag ni Mayor Kapinan, pinakaapektado ang Sitio Kampo Muslim sa may bukana mismo ng bayan.
Sinabi naman ni Palembang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Jenel Tuanado na agad inilikas ang mga apektadong pamilya at pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center.
Nagpaabot na rin ng inisyal na tulong ang LGU-Palembang sa mga apektadong pamilya.