-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang tuluyang pag-angat ng magma mula sa ilalim ng bulkan at papalapit sa bunganga nito.

Ayon kay Phivolcs director Teresito Bacolcol, ang magma ay natukoy kulang-kulang limang kilometro mula sa bunganga ng bulkan.

Dahil dito, malaking bahagi ng bulkan aniya ang kasalukuyang namamaga, pangunahin ang eastern side nito, na isa sa mga palatandaang umaakyat ang magma mula sa ilalim ng bulkan.

Muli ring naitala ang pagbaba ng ibinubugang asupre ng bulkan mula sa dating 4,000 tonelada noong pumutok ito noong Hunyo 2024 patungong 2,183 tonelada.

Isa ito aniya sa mga palatandaan na may nakabara sa bulkan, may mataas na pressure, at maaaring magresulta sa panibagong pagsabog anumang oras.

Tatlong posibilidad naman ang maaaring mangyari kasunod nito. Kinabibilangan ito ng dahan-dahang pagtaas ng magma at tuluyang pag-agos ng lava sa mula sa bunganga ng bulkan.

Maaari ring lalong tumaas ang pressure sa bulkan dahil sa nakabarang magma, na maaaring magresulta sa malakas na pagsabog.

Pangatlo ay ang pyroclastic density currents na binubuo ng mapanganib na abo, asupre, at maiinit na volcanic particles na. Kung mangyari ito, ayon kay Bacolcol, maaaring palawakin pa ang danger zone sa 10 kilometers.