CENTRAL MINDANAO – Magbibigay ng palugit ang Lokal na pamahalaan ng Datu Montawal, Maguindanao sa mga nakahambalang mga bahay, tindahan at iba pa sa national highway.
Ayon kay Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal, pinakiusapan nila ang mga nagmamay-ari nito na gibain na.
Pagdating ng taning ng LGU at hindi pa rin ito giniba, mismong si Mayor Montawal na ang manguna sa demolition.
Lahat kukunin ng LGU at walang ititira sa mga nagmamay-ari ng bahay at tindahan na nakahambala sa kalsada.
“Nakadama ako ng sobrang awa sa mga naapektuhan sa road clearing operation ngunit wala tayong magawa direktiba ito ng DILG at kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Montawal.
Dagdag ni Mayor Montawal, “kagaya ng war on drugs wala tayong sasantuhin, lahat ipapatupad at yong haharang sa kautusan ng Presidente dito sa bayan ng Datu Montawal siguradong may kalalagyan.”
Sa ngayon ay naghahanda na ang LGU-Datu Montawal sa malawakang road clearing operation katuwang ang mga opisyal ng barangay, DPWH, pulisya at militar.