-- Advertisements --
duterte oath
President Duterte

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11291 o mas kilala bilang Magna Carta of the Poor.

Layunin ng batas na kilalanin ang karapatan ng mga mahihirap at tugunan ang kanilang mga pangangailangan para maiangat ang kanilang buhay.

Nakasaad sa batas na bubuo ang gobyerno ng National Poverty Reduction Plan (NPRP) at paigtingin ang koordinasyon ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno.

Nakapaloob sa NPRP ang detalyadong plano kung papaano tutugunan ang karapatan ng mga mahihirap pagdating sa sapat na supply ng pagkain, edukasyon, bahay, disenteng trabaho at access sa mga pasilidad at serbisyo para sa kalusugan at iba pa.

Bubuo naman ang National Economic Development Authority (NEDA) ng classification system para mas madaling matukoy ang mga beneficiaries ng mga proyekto at programa ng gobyerno.

Sa ilalim rin ng batas dapat bigyan ng prayoridad ng mga departmento ang pondong kinakailangan para sa programa para sa mga mahihirap ng DSWD, DOLE, TESDA, DEPED, CHED, NHA, DOH at iba pa.

Pirmado ni Pangulong Duterte ang batas noong April 12 at magiging epektibo ito 15 araw matapos ang official publication sa mga pangunahing pahayagan.