Ikinalugod ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act (RA) No. 12021 o An Act Providing for the Magna Carta of Filipino Seafarers ngayong Lunes.
Nakapaloob sa Magna Carta of Filipino Seafarers ang mga karapatan at responsibilidad ng mga Pilipinong marino, kanilang kuwalipikasyon, terms of employment, edukasyon at kinakailangang pagsasanay.
Nilalayon ng batas na makasabay ang kasalukuyang regulasyon sa nagbabagong pandaigdigang pamantayan, ayon sa lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan.
Napapanahon din aniya ang pagkakalagda ng batas dahil nataon ito sa selebrasyon ng Maritime Day sa Huwebes.
Pinoprotektahan din, ani Speaker Romualdez ng Magna Carta of Filipino Seafarers ang mga babaeng marino mula sa diskriminasyon.
Maliban pa aniya sa pagsuporta sa kanilang mga pamilya, malaki rin ang ambag ng mga Pilipinong marino sa foreign exchange remittances ng bansa.
Ilan sa mga probisyon ng batas ay ukol sa karapatan at tungkulin ng mga marino, mga kababaihan sa maritime industry, emergency rescue ng domestic seafarers, manning levels at crew competency requirements, terms and conditions ng kanilang trabaho employment; akomodasyon at pagkain, Medical care, inspection at enforcement, green lane para sa overseas and domestic mariners, requirements para sa mga Philippine-registered ships sa shipboard training, insentibo at awards na ipinagkakaloob sa maritime industry, repatriation, reintegration, edukasyon at training, at resolusyon ng mga hindi pagkakasundo.
Tiwala naman si House Deputy Majority Leader and Tingog Partylist Rep. Jude Acide, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, na matagumpay na matutugunan ng batas ang mga isyu ng foreign employers pagdating sa edukasyon, pagsasanay at competency ng Filipino seafarers.