MANILA (Update) – Niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang bayan ng Calatagan sa Batangas nitong araw ng Pasko.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-Phivolcs), alas-7:43 nitong umaga nang maitala ang pagyanig. “Tectonic” daw ang origin ng lindol, at may lalim na 74-kilometers.
Sa isang panayam, sinabi ni Phivolcs director Dr. Renato Solidum na sa kabila ng malakas na pagyanig ay walang aasahan na banta ng tsunami ang coastal areas ng lugar. Pero asahan daw na makakaramdam ng aftershocks ang ilan pang karatig na lugar kasunod ng pagyanig.
Bukod sa mga bayan sa Batangas, naramdaman din ang lindol sa Cavite, Quezon, Laguna, Metro Manila, at ilang lugar sa Central Luzon.
Batay sa report ng Phivolcs, naitala ang Intensity IV sa Lemery, at Malvar, Batangas; San Pedro, Laguna; City of Manila; Marikina City; Quezon City; Cainta at Antipolo City, Rizal; at Pasig City.
Naramdaman naman ang Intensity III sa Caloocan City; Tanay, Rizal; San Jose Del Monte City, at Plaridel, Bulacan; Gapan City, Nueva Ecija; Cabangan at Iba, Zambales; Samal, Bataan; Valenzuela City; at Malabon City.
Habang Intensity II sa San Isidro, Nueva Ecija; at Alaminos City, Pangasinan.
AFTERSHOCKS
Nakapagtala na ang Phivolcs ng limang mahihinang aftershocks matapos ang lindol.
Nai-report ang magnitude 3.2 na aftershock dakong 7:53am, 8:09am at 9:06am; magnitude-3.0 na aftershock naman dakong 7:57am.
Magkasunod naman ang magnitude 2.0 at 2.4 na aftershock na nai-report nang 8:29 at 8:49am.
Samantalang, magnitude 1.6 at 1.5 nitong 9:08am at 9:13am.
TAAL VOLCANO ACTIVITY
Walang inilabas na impormasyon ang ahensya kung may kinalaman ang bulkang Taal sa insidente.
Pero sa hiwalay na advisory, inamin ng state seismologists na nakapagtala ng isang volcanic earthquake ang bulkang Taal sa magdamag. Batay sa monitoring ng Taal Volcano Network, nagbuga ng mahihinang usok ang main crater ng bulkan.
“Emission of steam-laden plumes from fumarolic activity at Main Crater vents was very weak.”
“Ground deformation parameters based on continuous GPS monitoring from 29 March 2020 to present indicated a slow and slight inflation of the northwestern sector of Taal Caldera, which was also recorded by electronic tilt on northwest Volcano Island starting the second week of July 2020. In contrast, GPS data from the southwestern sector of Taal Caldera and Volcano Island yielded no significant change after the huge post-eruption subsidence.”
Nanatiling nasa Alert Level 1 ang antas ng bulkang Taal. Ipinagbabawal ng Phivolcs ang entry sa isla ng bulkan, sa permanent danger zone, main crater at Daang Kastila fissure.
“DOST-PHIVOLCS reminds the public that at Alert Level 1, sudden steam-driven or phreatic explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, and lethal accumulations or expulsions of volcanic gas can occur and threaten areas within the Taal Volcano Island (TVI).”