-- Advertisements --
Mayon Volcano
Mayon Volcano/ FB photo

LEGAZPI CITY – Hindi inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad na maapektuhan ng nangyaring magnitude 6.5 na lindol ang aktibong bulkang Mayon na kasalukuyan pa ring nakataas sa Alert level 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs resident volcanologist Ed Laguerta, bagaman hindi konektado sa aktibidad ng bulkan ang naturang pagyanig maari umanong magkaroon ito ng epekto sa aktibidad ng Mayon.

Kaugnay nito, binigyang diin ni Laguerta na normal lang ang naturang malakas na lindol lalo pa at may aktibong fault line sa bansa na siyang nagdudulot ng pagyanig ng lupa.

Panawagan naman ng Phivolcs sa publiko na iwasang magpanic sakaling makaramdan ng lindol at agad na gawin ang itinurong drill kapag may sakuna.

Samantala, maaga naman na nagsara ang mga malls at pinauwi na ang kanilang mga empleyado kasunod ng lindol.