Umabot na sa 14 na katao ang naitalang patay kasunod ng 7.3-magnitude na lindol na tumama sa Vanuatu kahapon, Dec. 18.
Ayon sa local police ng Vanuatu, kinabibilangan ito ng mga dalawang Chinese at mga residente.
Maliban sa mga nasawi, mahigit 200 katao rin ang napaulat na nasugatan sa nangyaring pagyanig.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang rescue at retrieval operations sa mga pasilidad na gumuho kung saan ilan sa mga na-trap sa mga ito ay patuloy umanong nakikipag-ugnayan sa mga rescuer.
Maliban sa mga commercial establishment, maraming public building din ang bumagsak kabilang na ang mga embahada, ospital, simbahan, at ibpa.
Ilang survivor na rin ang nailabas mula sa mga gumuhong pasilidad.
Ayon sa National Disaster Management Office ng Vanuatu, malaking bahagi ng capital city na Port Villa ang nawalan ng supply ng kuryente, tubig, at internet connection kasunod ng malakas na pagyanig.
Hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang aftershock na nararanasan ng mga mamamayan kung saan ang pinakamalakas dito ay ang Mag. 6.1 na naramdaman sa capital city.
Maraming mga bansa na rin ang nag-commit ng tulong sa Vanuatu. Sa US, nagpadala na rin ng team ang United States Agency for International Development para tumulong sa mga rescue at retrieval ops.
Ang iba pang bansa tulad ng Australia, France, China, at maging ang United Nations, at nagbigay na rin ng kaniya-kaniyang commitment kasunod ng malakas na pagyanig.