-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Bumulagta sa gilid ng national highway ang dalawang katao na pinagbabaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Rasul Samad, 33, may asawa, miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) habang sugatan naman ang angkas nito sa motorsiklo na si Michael Ibrahim, 24, binata at mga residente ng Barangay Inug-ug, Pikit, Cotabato.

Ayon sa ulat ng Pikit PNP na lulan ng motorsiklo ang mga biktima mula sa kanilang tahanan patungong town proper para magpabakuna ngunit pagsapit nila sa Barangay Dalingaoen, Pikit, Cotabato ay bigla itong pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pikit sakay din ng motorsiklo.

Agad namang naisugod sa pagamutan ang mga biktima ng mga nagrespondeng pulis ngunit hindi na umabot ng buhay si Samad na tinamaan ng bala sa ulo at likod habang nasa maselang kondisyon si Ibrahim.

Personal na alitan ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.