ILOILO CITY – Pinuri ng mga netizens ang ipinakitang positibong karakter ng magpipinsan sa Munting Ilog, Silang, Cavite matapos sabayan ng pagsayaw ng “Tala” ang paglilinis ng ashfall sa kanilang bahay na dala ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Rince John Regis Singco na siyang nag-post ng video, sinabi nito na nais lamang nilang magpipinsan na ipakita na maaari pa ring maging masaya sa gitna ng kalamidad.
Ayon kay Rince, mahalagang isipin ng bawat isa na marami pa ring dahilan upang ngumiti at maghatid ng saya sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.
Makikita sa video na ipinost ni Rince John ang kanyang mga pinsan na sina John Felix Regis, Angelbert Regis, Rafael Cyruz Regis, at Rafael Alexis Regis na umiindak sa dance craze na tala habang kinakanta ng isa pa nilang pinsan na si Karla Regis.
Hindi naman inakal ni Rince na magiging viral ang video na kanyang in-upload.
Samantala, sinabi ni Singco na hindi pa rin naibabalik sa normal ang sitwasyon sa Cavite kung saan wala pa ring pasok sa opisina at paaralan.