BAGUIO CITY – Arestado ang isang magsasaka at anim na mga menor de edad na kasama nito matapos maaktuhan silang nagpa-pot session sa bayan ng La Trinidad, lalawigan ng Benguet kaninang alas-singko ng umaga.
Ayon kay Capt. Ramon Garcia, deputy chief of police ng La Trinidad Municipal Police Station, nag-report sa kanilang himpilan ang dalawang residente ng Wangal, La Trinidad, Benguet ukol sa mga gumagamit ng iligal na droga sa kanilang lugar.
Agad namang nagresponde ang Drug Enforcement Unit ng kanilang himpilan kasama ang mga personnel ng Provincial Intelligence Branch ng Benguet Police.
Matapos ituro nang nag-report na residente ang bahay kung saan may nagpa-pot session, sumilip sa bintana nito ang isa sa mga pulis at doon nakumpirma ang report.
Pumasok sa nasabing bahay ang mga pulis gamit ang backdoor at doon hinuli ang mga kabataang nagpa-pot session.
Arestado si Genesis Cabigting Hernandez, 18, magsasaka, tubo at residente ng Shilan, La Trinidad, Benguet at anim na mga kasama nitong menor de edad na binubuo ng tatlong lalaki at tatlong babae.
Nakumpiska sa mga ito ang isang plastik ng marijuana stick na may bigat na 145 grams at halagang P17,400; dalawang lighter at anim na cellphones.
Sa ngayon, ipinoproseso na ang mga nahuling menor de edad para sa pagkustodiya sa mga ito sa DSWD at sa pagsampa ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kay Hernandez.