-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Sinisiyasat ng mga kasapi ng Diffun Police Station ang pagkakasangkot sa Robbery Hold-up ng dalawang lalaking armado ng mga baril na nadakip sa Diffun, Quirino.

Ang mga suspect ay sina Danilo Alicon, 54 anyos, may-asawa, magsasaka, residente ng Ilagan City, Isabela at Deo Malinao, 23 anyos, may-asawa, negosyante at residente ng Alibadabad, San Mariano, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCaptain Reynold Gonzales, hepe ng Diffun Police Station na namataan ang kulay gray na sasakyan na walang plaka at buradong conduction sticker na umaaligid sa kanilang nasasakupan na sinundan ng mga pulis.

Namataan ng mga pulis ang nasabing sasakyan sa barangay Andres Bonifacio na parang may minamanmanan habang matagal na nakaparada sa isang malaking bahay kalakal.

Sinubukan anya ng mga pulis na kunin ang pagkalilanlan ng dalawang lalaking sakay ng sasakyan ngunit akmang bubunot ng baril si Alicon na kaagad nilang napigilan gayundin si Malinao..

Idinahilan anya ng dalawang pinaghihinalaan na mayroon silang hinahanap na isang indibidwal na gusto nilang komprontahin na sinusubukang hanapin ng mga pulis para makunan ng pahayag.

Nakumpiska mula sa loob ng sasakyan ang isang brown leather sling bag lamang ang Dalawang Caliber 45 na may short magazine at ng pitung, dalawamput apat na live ammunition para sa caliber 45, limang empty shells ng caliber 45, cash na P28,000 at mga dokumento.

Sinabi pa ni Police Captain Gonzales na naging mahigpit ang kanilang pagbabantay sa kanilang nasasakupan dahil sa sumbong ng ilan na mayroong indibidwal na nagpapakilalang mga NPA at humihingi ng isang daang libong piso.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa mga hepe ng Ilagan City Police Station at San Mariano Police Station upang malaman ang bakcground ng mga pinaghihinalaan

Sa ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang dalawang suspect.