TACLOBAN CITY – Pinagbabaril at pinugutan pa ng ulo ang isang magsasaka sa bahagi ng Barangay San Francisco, bayan ng Gandara sa Samar.
Kinilala ang biktima na si Christopher Wahingon, 34-anyos na residente ng nasabing lugar.
Habang ang ilang suspek ay sina alyas Obet, Jomar Diaz at limang iba pa na hindi pa natukoy.
Ayon kay P/Capt. Ruel Cantillas, chief of police ng Gandara Municipal Police Station, base sa kanilang imbestigasyon, Hulyo 6 ng umaga nang huling nakitang buhay ang biktima habang papunta ito sa kanilang sakahan.
Sa parehong araw din nakita ang mga suspek na may dalang mga armas papunta sa direksyon ng sakahan ng biktima, na sinundan ng narinig umano na putukan.
Kinabukasan ay narekober na lamang ang bangkay ni Wahingon malapit sa ilog na tadtad ng bala sa katawan subalit nawawala ang ulo nito.
Matapos ang ginawang operasyon ng mga kapulisan ay hindi pa rin natagpuan ang ulo ng biktima.
Isa sa mga tinitingnang anggulo sa karumal-dumal na krimen ay personal na away sa pagitan ng biktima at ng mga suspek.
Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang maaresto ang nasa likod ng krimen.