CAUAYAN CITY Mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 (Forestry Reform Code of the Philippines) ang inarestong magsasaka dahil sa pagpupuslit ng mga nilagareng kahoy na walang papeles sa Delfin Albano, Isabela.
Ang suspect ay si Bernard Alla Soloria, 32 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng San Antonio, Delfin Albano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PStaff Sgt. Romeo Gatan, investigator ng Delfin Albano Police Station na nakatanggap sila ng impormasyon na mayroong nagpupuslit ng illegal na pinutol na kahoy sa barangay San Antonio, Delfin Albano, Isabela.
Kaagad tumugon ang mga kasapi ng Delfin Albano Police Station at nakita ang mga nilagareng kahoy na isinakay sa kuliglig dahilan para arestuhin ang suspect.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na pagmamay-ari ng suspect ang puno na pinutol at dadalhin sana ang mga nilagareng kahoy sa Purok 7 San Aantonio, Delfin Albano, Isabela upang gamitin sa konstruksiyon ng bahay ngunit walang maipakitang dokumento kaya dinakip si Soloria .
Nakikipag-ugnayan na sila sa CENRO Cabagan upang malaman ang sukat ng mga pinutol na kahoy habang nasa pangangalaga ng PNP Delfin Albano, Isabela ang suspect para sa kaukulang disposisyon.