NAGA CITY-Ninakawan at nadanyosan ang isang magsasaka galing sa Sariaya, Quezon ng nagkakahalagang ₱765,000.
Kinilala ang biktima na si Pedrito Untalan Andal, 48 anyos, residente ng Purok 1, Brgy. Sto. Cristo ng nabanggit na bayan.
Kinilala naman ang mga suspek na sina alyas Aldwin, residente ng Brgy. Canda, alyas Raul, residente ng Brgy. Sampaloc 2, alyas Jeffrey, residente ng Brgy Sto. Cristo, at alyas Andrew, residente din ng Brgy Sto. Cristo, lahat ng nabanggit na bayan, habang tatlong suspek naman ang hindi pa nakikilala.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Provincial Office, personal aniyang nagreklamo sa Sariaya Municipal Police Station ang biktima tungkol sa ginawa ng mga suspek.
Ayon dito, alas 8:30 ng umaga nang bigla na lang na lumitaw ang mga suspek sa kanilang bahay, giniba ito, pinutol ang 41 puno nila ng niyog, at ninakaw ang iba’t iba nilang gamit.
Pumalo rin aniya ang danyos at ninakaw ng mga suspek sa ₱765,000.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.