-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang isang magsasaka sa bayan ng Bauko, Mountain Province sa hot pursuit operation ng mga otoridad matapos itong ireklamo ng isang ina ng panggagahasa sa anak nitong menor de edad na babae.

Nakilala ang suspek na si Quirino Aswigue Comnang a.k.a Bongcoy, 52-anyos, binata at residente ng Baangan, Mayag, Bauko, Mountain Province.

Batay sa salaysay ng ina ng dos-anyos na biktima, nakita niya ang pagpunta ng kanyang anak sa labas ng bahay ng suspek para maglaro hanggang sa hindi na niya nakita ito.

Agad pumunta ang ina sa bahay ng suspek kasabay ng pagsigaw sa pangalan ng kanyang anak.

Nakita niya ang paglabas ng kanyang anak sa bahay ng suspek ngunit agad siyang nagduda nang makitang ina-ayos ng bata ang underwear nito.

Sinabi ng ina na habang pauwi na sila ng kanyang anak, sinabi ng bata kung ano ang ginawa ng suspek sa kanya.

Dinagdag pa ng nasabing ina na sa unang linggo noong nakaraang buwan ng Nobyembre ay inireklamo ng kanyang anak na masakit ang maselang bahagi ng katawan nito kasabay ng pagpapakita sa ginawang paghawak ng suspek sa nasabing parte ng kanyang katawan.

Dahil dito, agad nagreklamo ang ina sa himpilan ng pulisya na nagresulta sa pag-aresto nila sa suspek.

Pinaaalalahanan din ng pulisya ang mga magulang at mga nagsisilbing guardians sa kahalagahan ng pagiging responsable sa pagbabantay sa mga bata o sa kanilang mga anak.